March 13, 2025

Team Pogi

People of Good Intensions

SEGURIDAD SA PAGKAIN, NAGING PANGUNAHING PRAYORIDAD NG CITY GOVERNMENT SA 2024

KIDAPAWAN CITY -(January 7, 2025) SA KABILA NG PANANALASA ng El Nino at La Nina noong 2024, tiniyak pa rin ng City Government na mayroong sapat na pagkain ang mga mamamayan ng lungsod.
Sa pamamagitan ng Luntian Rice Program, mismong ang City Government ang bumibili ng palay at nagproseso nito para maging bigas.
Sa halagang P25 kada kilo, marami sa mga mamamayan ang nakabenepisyo sa murang bigas, ayon pa sa 2024 Accomplishment Report ng Office of the City Agriculturist.
Halos P9 Million o 500,000 kilo na fresh palay ang binili ng City Government sa mga 240 rice farmers noong nakalipas na 2024.
Para maitaguyod ang programa sa Luntian Rice, maliban sa pagpapatupad ng buy back program ng City Agricultural Market and Trading Center ay nagbigay ng 50% fertilizer subsidy at cost recovery scheme ang City Government para tulungan ang mga magsasaka.
424,000 kilo o katumbas sa P9.5 Million halaga naman ng iba’t ibang klase ng gulay ang binili ng Trading Center noong 2024.
Nakatulong ang 50% subsidy sa seedlings ng gulay, pesticides at fertilizer para sa mga vegetable farmers.
Abot naman sa 21,000 kilogram ng tilapia o mahigit sa P2.6Million mula sa 131 na mga tilapia producers ang binili ng City Government noong 2024, ayon pa sa Office of the City Agriculturist.
Dahil sa mga inisyatibang ito ay kinilala ng National Government ang mga programa para sa seguridad sa pagkain ng City Government kung saan ginawaran ito ng Walang Gutom National Award at Green Banner Award mula naman sa Regional Nutritional Council.##(Lloyd Kenzo Oasay/CIO)